Iniulat ng pamunuan ng Quiapo Church na pumalo na sa 6.5 milyong deboto ang nakilahok sa pagbabalik ng nakaugaliang Traslacion sa pagpapatuloy ng Pista ng Nazareno sa Quiapo, Maynila.
Ayon sa Quiapo Church, nasa 6,532,501 ang mga debotong naitalang sumama sa kapistahan ng Poong Nazareno.
Nitong hapon ng Martes, sinabi naman ng National Capital Region Police Office na umabot umano sa 2.8 milyong deboto ang nakilahok sa
Ayon sa NCRPO Public Information Office, tinatayang nasa 2,807,700 na deboto ang lumahok sa pista at kabilang rito ang bilang ng mga deboto sa Quirino Grandstand, sa mismong Traslacion at ang mga naghihintay sa Quiapo Church.
Una nang naiulat na pumalo sa isang milyong deboto ang naitala bandang alas-diyes ng umaga nitong Martes.
Sinabi ng mga otoridad na maaaring umabot sa dalawang milyong deboto ang dadagsa sa Quiapo lalo na’t ito ang kauna-unahang Traslacion na isinagawa tatlong taon matapos pumutok ang coronavirus disease pandemic.
Bago nito, nagpakalat ang Philippine National Police ng nasa 18,000 na personnel nito upang mangasiwa sa seguridad at crowd control sa rutang dadaanan ng Poong Nazareno.
Samantala, sinabi naman ng Department of Health na nasa 301 katao ang nasaktan habang isinasagawa ang prusisyon at habang walang naitalang namatay, isang lalaki umano ang malubhang nasugatan matapos nitong mahulog nang subukang umakyat sa andas ng Poong Nazareno.
Mahigpit na ipinagbabawal ng mga otoridad ang pagsampa sa andas pero kahit binago na rin ang disensyo ng andas at inilagay na sa loob ng laminated tempered glass case ang imahe ng Black Nazarene, marami pa rin ang umaakyat para makahaplos o makahawak sa imahe na tanging maliit na bahagi na lamang ng dulo ng Krus ang nakalitaw.
Maraming mga deboto ang nagpilit umakyat ang nilapatan ng lunas sa iba-ibang emergency stations sa ruta ng Traslacion pero wala umano silang pagsisisi dahil ang ginagawa umano nila ay alay nila sa Mahal na Poon ng Itim na Nazareno.
Ang hindi mapigilang pag-akyat ng mga deboto sa andas ang dahilan ng pagbagal ng pag-usad ng traslacion.
Kahit naman umulan ay hindi nito natinag ang dami ng mga tao na sumama at nag-aabang sa pagdaan ng Traslacion.
Nakaapak din ang halos lahat ng deboto na sumasama sa Traslacion bilang bahagi ng kanilang pamamata.
Ala-una ng hapon nang makapasok sa Concepcion Aguila St. sa Maynila ang andas at pahirapan ang pag-usad dahil dinumog ang andas mga deboto na walang tigil sa pag-akyat sa andas.
Sinasaway na ng mga Hijos ang mga debotong umaakyat pero hindi sila napigilan.