Marami pa ring pamilyang Pilipino ang walang sariling bahay. Sa halip ay nangungupahan lamang sila ng tirahan.
Ang disbentahe ng nangungupahan ng bahay ay kailangan nilang lumipat ng tirahan kung hindi na nila kayang bayaran ang upa.
Sa mga mahihirap na pamilya, malaking hamon rin ang pagbabayad ng upa lalo na’t kung tumataas ito taun-taon ngunit ang sahod nila ay hindi. Kaya naman malaking tulong ang kautusan ng National Human Settlements Board na 4 porsyento lamang na pagtaas sa halaga ng upa sa bahay ang pahihintulutan nito ngayong 2024. Sakop ng kautusan ang mga upang nagkakahalaga ng P10,000 kada buwan pababa.
Di hamak na mas maigi na may sariling bahay ang bawat pamilyang Pilipino. Kaya naman magandang balita na mas maraming manggagawa ang pauutangin ng Pag-IBIG ngayong taon upang makabili ng sarili nilang bahay.
Balak ng ahensya na magpautang ng hanggang P140 bilyon para sa mga miyembro nito ngayong 2024. Ang halaga ay mas mataas ng 8.5 porsyento sa P129 bilyong pautang sa pabahay nitong 2023.
Kabilang sa P140 bilyon ang P12 bilyon na pautang para sa programang Pambansang Pabahay ng administrasyong Marcos. Makikinabang rito ang mga mahihirap dahil makakautang sila sa pondong ito ng Pag-IBIG upang makapagpatayo ng kanilang bahay.
Bagaman planong itaas ng Pag-IBIG ang halaga ng kontribusyon ng mga miyembro ngayong taon, hindi naman ito dapat masamain dahil mas maitataas ng ahensya ang halaga ng pautang sa pabahay. Hindi rin papasanin mag-isa ng miyembro ang mas mataas na kontribusyon. Kahati pa rin niya ang employer sa pagbabayad ng kontribusyon kaya hindi na rin ito mabigat sa bulsa.
Kailangang magsikap ang bawat isa na mag-impok ng pera sa Pag-IBIG upang makabili ng bahay. Isa itong mabuting puhunan na mapapakinabangan ng husto ng bawat pamilyang Pilipino.