Isang mag-ama ang naiulat na namatay matapos umano silang pagtatagain ng isang lalaki sa loob ng kanilang bahay sa Mulanay, Quezon.
Batay sa mga ulat, sa kusina ng bahay umano natagpuan ang duguang bangkay ng amang kinilalang si Dominador Constantino habang nakita naman ang bangkay ng anak na si Rodelio may 200 metro mula sa kanilang bahay.
Sa paunang imbestigasyon ng pulisya, nadiskubreng ang dating kinakasama ng isa pang anak ni Dominador ang suspek at ayon sa asawa ng biktima, pumunta ang suspek sa bahay nila at nanghiram ng itak.
Napansin na raw nila noon na kakaiba ang kilos ng suspek.
Umalis daw ang misis ni Dominador at pagbalik ay doon na niya nakitang duguan ang mga biktima.
“Ang una lamang po naming nakikita ay nagagalit itong suspek dahil ayaw nang makipagbalikan sa kaniya noong kaniyang dati nang kinakasama,” saad ni Police Major Marlon Comia, hepe ng Mulanay Police.
Sinubukan daw magpalipat-lipat ng lugar ang suspek sa Pasig at Rizal hanggang sa siya ay sumuko. Nasa kustodiya na siya ngayon ng Mulanay Police at nahaharap sa kasong pagpatay.