Sa kalaboso ang bagsak ng isang 45-anyos na lalaki matapos umanong pagamitin ng ilegal na droga at gahasain ang isang 16-anyos na babae sa Urbiztondo, Pangasinan.
Batay sa mga ulat, nagbabantay sa plaza ang suspek nang makita nito na naglalakad na mag-isa ang biktima at inalok niya ito na ihahatid na pauwi dahil magkakilala naman daw ang kanilang pamilya.
Sumama naman ang biktima pero sa halip na ihatid sa bahay, dinala umano ang dalagita sa isang lugar na walang tao, tinutukan ng baril, sapilitang pinagamit ng ilegal na droga, at nang mabangag ay ginahasa na.
Madaling araw na nang may makakita sa biktima na naglalakad sa kalsada na tila wala sa sarili at nang mahimasmasan na ang biktima, ikinuwento na niya ang nangyari kaya naaresto ang suspek.
Itinanggi naman ng suspek ang paratang na nahaharap sa patong-patong na reklamo.