Muling nakatakas sa bilangguan ang isang druglord sa Ecuador na sinundan ng pag-aaklas ng mga preso sa iba pang kulungan kaya napilitang magdeklara ng state of emergency ang pangulo ng bansa.
Iniutos ni Pangulong Daniel Noboa nitong Lunes ang 60-araw na mobilisasyon ng mga sundalo upang tugisin si Jose Adolfo alias “Fito” Macias at araw-araw na curfew na mula alas 11 ng gabi hanggang alas 5 ng umaga.
Sa kanyang video sa Instagram, sinabi ni Noboa na makakatulong ang state of emergency sa mga sundalo na magampanan ang kanilang misyon na labanan ang mga narcoterrorist.
Linggo nang malaman ng pulis na nawawala sa selda ng bilangguan sa Guayaquil si Fito, ang lider ng Choneros gang. Sinasabing nakatakas ang 44 anyos na druglord ilang oras bago dumating ang mga pulis dahil natunugan niyang paparating ang mga parak, ayon sa tagapagsalita ng pangulo na si Roberto Izurieta.
Ayon sa SNAI o ahensyang namamahala sa mga bilangguan sa Ecuador, nilusob ng mga armadong sundalo ang anim na kulungan kung saan ang mga gwardiya ay ginawang hostage ng mga preso. Nailigtas nila ang mga hostage sa mga bilangguan ng El Oro, Loja, Chimborazo, Cotopaxi, Azuay at Pichincha, pahayag ng SNAI.
Walang nasugatan o nasaktan sa mga gwardiya, ayon sa ahensya.
Samantala, sinampahan ng kaso ang dalawang opisyal ng kulungan na hinihinalang may kinalaman sa pagtakas ni Fito, na nasintensyahan noong 2011 ng 34-taong pagkakakulong dahil sa organized crime, pagpatay at pangangalakal ng ilegal na droga.
Una siyang nakatakas noong 2013 ngunit nahuli pagkalipas ng tatlong buwan. Inilipat siya ng bilangguan nitong Agosto kasunod ng pagpaslang sa isa kandidato sa pagkapangulo.
Bago napatay, sinabi ni Fernando Villavicencio na binantaan umano siya ni Fito na papatayin.