Isang nagdadalantaong ginang ang hindi na napigilang mapaanak sa loob ng isang bus na patungong Ilocos Norte nitong nakaraan.
Agad na sumaklolo ang ibang pasahero sa nasabing buntis na pasahero ng bus na galing Maynila at patungong Laoag City, Ilocos Norte.
Ayon sa driver ng bus na kinilalang si Rolly Queja, sumakay ang babae na hindi niya napansin na buntis sa La Union at habang nasa biyahe ay biglang humingi ng tulong ang babae dahil dahil pumutok na umano ang kaniyang “panubigan.”
Kaagad naman siyang inalalayan ng mga kapuwa niya pasahero.
“Parang lalabas na siya’, sabi niyang ganon. Tiningnan ko lalabas na talaga ‘yung head ng bata. First time kong nakahawak ng baby at makapagpaanak doon sa bus,” sabi ni Angie Valdez Molina, isa sa mga tumulong sa buntis.
Bago pa makarating sa isang ospital sa San Fernando, La Union, lumabas na ang sanggol na isang malusog na lalaki at nasa ligtas na kondisyon na ang mag-ina sa ospital.