Nagsagawa ng inspeksyon sina Department of the Interior and Local Government Secretary Benjamin Abalos Jr, at Philippine National Police chief Police General Benjamin Acorda Jr. nitong Lunes sa Quiapo Church isang araw bago ang Traslacion.
Ayon kay Abalos, tiwala siya sa seguridad na inilatag sa loob at labas ng simbahan ng Quiapo at pinaalalahanan ang publiko na magkakaroon ng signal jamming sa Maynila kung saan daraan ang Poong Nazareno.
Sabi naman ni Acorda, bagamat walang banta ay patuloy pa rin silang naka-alerto hanggang sa matapos ang Traslacion.
Samantala, isasara ang ilang lansangan sa Maynila sa Martes para sa inaasahang dagsa ng mga tao para sa pista ng Itim na Nazareno.
Sa abiso ng pamahalaang lungsod ng Maynila, sarado na nitong Lunes hanggang Martes ang Bonifacio Drive mula Anda Circle hanggang P. Burgos Avenue Katigbak Drive at South Drive; Roxas Boulevard mula Katigbak hanggang U.N. Avenue at P. Burgos mula Roxas Boulevard hanggang Jones, McArthur and Quezon Bridge.
Isasara rin ang Finance Road mula P. Burgos Avenue hanggang Taft Avenue; Maria Orosa St. mula TM. Kalaw hanggang P. Burgos Avenue; Taft Avenue mula U.N. Avenue hanggang P. Burgos Avenue; Romualdez St. mula U.N Avenue hanggang Ayala Boulevard at Ayala Avenue mula Taft Avenue hanggang Romualdez St.
Kasama rin sa isasarang kalsada ang C. Palanca St. mula P. Casal hanggang Plaza Lacson; P. Casal St. mula C. Palanca hanggang Arlegui St.; Legarda St. mula CM. Recto Avenue hangang Arlegui St.; at Quezon Boulevard mula Fugoso St. hanggang Quezon Bridge at Westbound lane ng España Boulevard mula P. Campa hanggang Lerma St.
Pinapayuhan ang mga motorista umiwas sa mga nabanggit na kalsada o maghanap ng alternatibong ruta upang hindi maipit sa trapiko.