May magandang programa ang kagawaran ng trabaho o DOLE na tinaguriang Kabuhayan. Ang programa ay naglalayong tulungan ang mga mahihirap na manggagawa na makapag negosyo upang madagdagan ang kanilang kita.
Kabilang sa maaaring mabigyan ng pondong pangkabuhayan sa ilalim ng programa ay ang mga magsasakang walang sariling sakahan, mga mangingisda, mga naghahanapbuhay na maliit ang sweldo o hindi tuloy-tuloy ang trabaho, mga may kapansanan, mga senior citizen, mga dukha, magulang ng mga nagtatrabahong kabataan at mga biktima ng mga labanan.
Isang halimbawa ng proyektong Kabuhayan ay ang libreng bisikleta kung saan ang benepisyaryo ay binibigyan ng P25,000 kapital, pagsasanay at insurance.
Sa taong 2022, may P1.5 bilyong pondo ang Kabuhayan. Marami naman ang nakinabang sa pondo dahil ipinamahagi ito ang kagawaran sa mga benepisyaryo. Subalit hindi lahat ng pondo ay nagamit batay sa audit ng Komisyon ng Audit o COA.
Ayon sa 2022 ulat ng COA, may natirang P245.33 milyon sa pondo na sana ay nakatulong sa mas maraming mahihirap na manggagawa.
Hindi maituturing na nakatipid ang DOLE dahil may natirang pondo ang Kabuhayan noong 2022. Bagkus ay hindi lubusang napakinabangan ng mamamayan ang programa dahil hindi naipamahagi ang P245.33 milyon sa mga iba pang benepisyaro.
Malaki-laki rin ang ponding dapat sana ay nagamit ng mga mahihirap na manggagawa sa pagpapaunlad ng kanilang pamumuhay.
Halimbawa na lamang sa Libreng Bisikleta. Kung nagamit ang natirang pondo para sa programa ay nabigyan sana ang mahigit 9,800 benepisyaryo ng tig-P25,000 para makabili ng bisikleta, cellphone, bag, helmet at iba pang kagamitan para sa trabahong pagde-deliver ng pagkain o hindi pagkain sa mga mamimili sa mga online na tindahan. Marami na ngayon ang nagtatrabaho bilang delivery rider dahil sa dami rin ng namimili sa online kung saan ang mga order ay kailangang dalhin sa bahay o opisina ng namili. Ang nasabing hanapbuhay ay malaki naman ang kita kung masipag ang delivery rider.
Pinaalalahanan ng COA ang mga program manager ng DOLE na siguruhin ang lubusang paggamit ng pondong pantulong sa mga manggagawa.