Iniulat ng Malakanyang nitong Lunes na nakilala na ng Presidential Task Force on Media Security ang tatlong suspek sa pamamaslang kay Calamba, Misamis Occidental, broadcaster, Juan “DJ Johnny Walker” Jumalon noong nakaraang taon.
Ayon kay PTFoMS executive director Undersecretary Paul Gutierrez, kinilala ang tatlong suspek sa kanilang mga alyas na “Ricky,” “Boboy,” and “Inteng.”
Dagdag niya, kasong murder at theft ang isinampa laban sa mga suspek sa Provincial Prosecutor’s Office.
Kung matatandaan, nauna nang nakasuhan ang suspek na si Ricky noong November 16, 2023 habang ang mga isinampang kaso laban sa mga kasabwat nito ay naihain bago ang Christmas break.
“We would be releasing their formal identities as soon as the cases against them have been formally elevated to the courts… We are also readying a ‘Most Wanted’ poster against the suspects for public distribution to aid in the early resolution of this incident,” saad ni Gutierrez.
Napatay si Jumalon – na may-ari ng community radio 94.7 Gold FM sa Calamba – nang pasukin ito ng isang gunman sa kanyang studio habang nagbo-broadcast noong umaga ng November 5, 2023.