Nilatigo ng mga otoridad sa Iran ang isang babae nang 74 ulit bilang parusa sa paglabag niya sa pampublikong moral dahil sa paglalakad nang walang panakip sa ulo, ayon sa lokal na hukuman.
“Ang maysala, si Roya Heshmati, ay nag-udyok ng malaswang pag-uugali sa mataong lugar sa Tehran,” pahayag ng hukuman sa website nitong Mizan Online nitong Sabado.
“Ang parusa niyang 74 na latigo ay naaayon sa batas na sharia at sa paglabag ng pampublikong moralidad,” dagdag ng Mizan.
Lahat ng babae sa Iran ay inuutusan ng batas na magtakip ng leeg at ulo matapos ang 1979 Islamic Revolution.
Hindi bihira ang paglalatigo sa mga lumabag sa dress code sa Iran at pinaigting ang pagpapatupad ng regulasyon dahil dumami ang mga hindi nagsusuot ng belo sa ulo noong pinutakti ng protesta ang pamahalaan noong 2022.
Ang mga protesta ay bunsod ng pagkasawi ni Mahsa Amini, isang 22-anyos na Kurdish, noong Setyembre 2022 habang nasa kustodiya ng mga pulis na humuli at nagkulong sa kanya dahil sa paglabag sa dress code.
Sa mga nasabing protesta, tinanggal at sinunog ng mga kababaihan ang kanilang belo kaya nagkaroon ng malawakang paghuli sa mga lumalabag ng dress code.
Ayon sa grupo ng karapatang pantao na Hengaw, si Heshmati ay tulad ni Amini na Kurdish rin.
Inaresto si Heshmati noong Abril dahil sa pag-post ng litrato niya na walang headscarf sa social media, pahayag ng kanyang abugado na si Maziar Tatai sa Shargh daily.
Pinagmulta rin si Heshmati ng 12 milyong rial o katumbas ng 25 dolyares.