Pinabulaanan ni dating Pangulong Rodrigo Duterte ang mga kumakalat na mga haka-haka sa mga isinagawa umanong meeting kasama niya at ng ilang mga opisyal ng pulis, militar at mga pulitiko na may kaugnayan sa mga naglalabasang destabilization plot laban sa Marcos administration.
Ayon sa dating Pangulo, wala umano siyang rason na manguna sa sinasabing destabilization plot dahil komportable umano siya kay Pangulong Ferdinand Marcos Jr. at dadgag niya, kuntento na umano siya sa kanyang mga nagawa noong siya ang nakaupong Pangulo ng bansa.
Giit pa ni Duterte, wala na umano sa hinagap niyang bumalik sa pulitika sa kanyang edad.
Kung matatandaan, sinabi ni Duterte noong Nobyembre ng nakaraang taon na baka mapuwersa siyang tumakbo bilang bise presidente o senador kung maiimpeach umano ang kanyang anak na si Vice President Sara Duterte.
Nitong nakaraan rin, iginiit ng Philippine National Police na walang katotohanan ang mga kumakalat sa social media na mga balita kaugnay sa destabilization plot laban sa Marcos administration.
Maging ang Armed Forces of the Philippines at si National Security Adviser Eduardo Año ay itinangging mayroon umanong namumuong destabilization plots laban kay Marcos.
Samantala, kinumpirma ng Presidential Communications Office na “always available” si Marcos na makipag-usap kay Duterte at dagdag nito, tatawag ang Pangulong Marcos kay dating Pangulong Duterte para tanungin ito kung nais nitong makipagpulong.
“President Marcos is always available to former President Duterte. The President will contact him now to ask if he wants a meeting,” pahayag ng PCO.
Sa ibang balita, nilagdaan ni Marcos ang Republic Act 11976, na kilala rin bilang “Ease of Paying Taxes Act,” na nakikitang malaki ang kontribusyon sa pagkamit ng 8-Point Socioeconomic Agenda ng administrasyon sa pamamagitan ng mas pinahusay na koleksyon ng kita sa pamamagitan ng digitalization initiatives.
Ang bagong lagdang batas ay kabilang sa priority legislation ng Marcos administration na may layong baguhin at pataasin ang kahusayan at pagiging epektibo ng pangangasiwa ng buwis at magpapalakas sa mga karapatan ng nagbabayad ng buwis at hahayaan ang pamahalaan na makuha ang pinakamaraming nagbabayad ng buwis hangga’t maaari sa net ng buwis sa pamamagitan ng pag-streamline ng sistema at pagliit ng pasanin sa mga nagbabayad ng buwis, pagtaas ng koleksyon ng kita ng bansa sa katagalan.