Maniningil na ng buwis ang Kawanihan ng Rentas Internas sa mga online na tindahan. Ang paniningil ay alinsunod sa kautusan napapaloob sa BIR Revenue Regulation 16-2023 na inilabas ng ahensya noong Disyembre 21. Magiging epektibo ang regulasyon mga Pebrero ngayong taon matapos mailathala ang regulasyon sa mga dyaryo.
Batay sa bagong panuntunan ng BIR, ang mga online merchant na nagtitinda ng produkto o nagbibigay ng serbisyo na kikita ng higit kalahating milyong piso ay sisingilin ng isang porsyentong withholding tax sa kalahati ng gross remittances nila sa mga electronic marketplace operators at digital financial services providers. Ang mga nabanggit ay ang mga kilalang plataporma kung saan makikita ang mga online merchants tulad ng Lazada, Shopee, Grab, Food Panda, atbp. Dito nagaganap ang transaksyon ng mga mamimili at nagtitinda kaya nakatala ang kita ng mga online merchant dito.
Sa mga hindi naman kikita ng lagpas sa P500,000, hindi sila papatawan ng 1 porsyentong withholding tax.
Ang tanong ngayon ay ipapasa ba ng mga nabuwisang online merchant sa mga mamimili ang gastos nila sa BIR sa pamamagitan ng pagtataas ng presyo na kanilang itinitinda, tulad ng ginawa ng mga tradisyunal na tindahan?
Ang isa pang tanong ay magtataas rin ba ng presyo ang mga online merchant kahit hindi naman sila masisingil ng buwis ng BIR upang palakihin ang kanilang kita?
Malalaman ng mga mamimili ang kasagutan sa mga susunod na buwan at taon.
Di hamak na mas mura ang mga bilihin sa mga online marketplace at merchant dahil maliit ang kapital at gastos nila kumpara sa mga tradisyunal na tindahan. Ang dagdag na gastos ay kabayaran lamang sa mga naghahatid ng biniling produkto, na depende sa layo o distansya ng bahay ng paghahatiran.
Kung tataas pati presyo ng mga bilihin sa online dahil ipapasa ng mga online merchant ang buwis na mababawas sa kanilang kita, tiyak na maaapektuhan ang budget ng mga mamimili.
Sa kabilang dako, magkakaroon ng dagdag na pondo ang BIR na gagamitin naman para sa pagbibigay ng serbisyo publiko. Hindi rin naman masama ito at kalakaran rin ito sa ibang bansa.
Sana ay mananatiling abot-kaya sa bulsa ng mga tao ang pag-o-online shopping sa gitna ng mahal na bigas, gasolina, panluto at pamasahe.