Tila bumaliktad ang sitwasyon at ang Land Transportation Franchising and Regulatory Board ngayon ang nahaharap sa matinding hamon sa pagpapatupad ng kontrobersyal na Public Utility Vehicle Modernization Program.
Kung dati ay mga may-ari at tsuper ng pampublikong jeepney ang nagigipit sa ipinipilit na pagbuo nila ng kooperatiba bilang pagsunod sa PUVMP hanggang Disyembre 31 upang hindi matanggalan ng prangkisa, ang LTFRB naman ang nape-pressure dahil sa pagkampi ng lider ng Kamara sa mga jeepney operator at sa napipintong imbestigasyon ng mababang kapulungan ng Kongreso sa umanong korapsyon sa likod ng programang magpe-phaseout sa mga tradisyunal na jeepney at pagpalit sa mga ito ng mga sasakyang may makinang Euro 4 na nagkakahalaga ng mahigit dalawang milyong piso bawat unit.
Naririyan rin ang hiling ng mga grupong tutol sa PUVMP sa korte na ipatigil ang pagpapatupad ng sinasabing consolidation nila alinsunod sa programa.
Napilitang magbigay muli ng LTFRB ng palugit o hanggang katapusan para sa consolidation dahil marami pa ring tradisyunal na jeepney ang hindi pa bumubuo ng kooperatiba.
Ngunit mukhang hahaba pa ito dahil sa paghimok ni Speaker Martin Romualdez sa Department of Transportation na magsagawa ng review sa PUVMP bago ito ipatupad.
Dagdag pa rito ay ang lumutang na akusasyon sa mga opisyal na umano’y nakipagkuntsabahan sa pag-aangkat ng mga modernong jeepney na ipapalit sa mga tradisyunal na dyip.
Tila kinampihan ni Romualdez ang mga tutol at nagrereklamo laban sa PUVMP nang kanyang sabihin na nais niyang magkaroon ng sapat na proteksyon ang mga tsuper ng jeepney.
Ang kanilang kapakanan ay ang aming isinasaalang-alang dahil ang mga tsuper ay naging haligi na ng industriya ng transportasyon sa maraming dekada, dagdag ni Romualdez.
Sa mga pahayag ng Speaker, mapipilitang maghinay-hinay ang mga tagataguyod ng PUVMP. At kung hindi pumabor sa kanila ang kalalabasan ng imbestigasyon ng Kamara sa umano’y korapsyon sa programa, malamang ay mapahinto pa ang programa na siguradong ikatutuwa ng mga operator at tsuper ng tradisyunal na jeepney.
Matindi na ang hamong kinakaharap ng LTFRB sa mga tutol sa PUVMP dahil sa mga tigil-pasada at protesta nila sa programa. Mas matindi pa ngayon ito dahil sa dagdag na hamon mula sa Kamara at korte.