Sa kabila ng mga panibagong ugong na mayroon umanong namumuong destabilization plot, inihayag ng mga lider ng Armed Forces of the Philippines at Philippine National Police ang kanilang katapatan kay Pangulong Ferdinand Marcos Jr. at sa administrasyon nito.
Sa isang pahayag, sinabi nina AFP chief-of-staff General Romeo Brawner Jr. at PNP chief Police General Benjamin Acorda Jr. na buo ang kanilang suporta at pagtitiwala sa Pangulo at sa bayan.
Ang mga naturang pahayag ni Brawner at Acorda ay kasunod nang isang video na inilabas ni retired BGen. Johnny Macanas Sr. kung saan ipinahayag niya ang kaniyang opinyon na posibleng kabilang sina AFP chief Brawner at PNP chief Acorda sa mga kumakausap umano sa pangulo para kumbinsihin itong bumaba sa puwesto.
Sa naturang video, ay binanggit din ni Macanas ang umano’y pagkakasangkot ng ilegal na droga sa mga dahilan na posible aniyang magmitsa ng pag-aaklas laban sa pamahalaan.
Matapos nito, iginiit ni Brawner ang kanyang hindi matatawarang katapatan at ng buong Sandatahang Lakas ng Pilipinas sa Konstitusyon at maging sa commitment nito sa kanilang sinumpaang mandato bilang mga tagapagtanggol sa soberanya at demokratikong prinsipyo ng ating bansa.
Sa PNP naman, sinabi ni PNP Public Information Office chief PCol. Jean Fajardo na anuman ang mangyari ay maanatiling apolitical, intact, solido, at propesyunal ang buong hanay ng Philippine National Police kasabay ng kaniyang hiling na huwag nang idamay pa ang kanilang hanay sa ganitong uri ng mga usapin.
Kung matatandaan, una nang muling binigynag-diin ni AFP spokesperson Col. Medel Aguilar na walang nagaganap na anumang destablisasyon laban sa pamahalaan.
Kasabay nito ay iginiit din niya na bagamat iginagalang ng liderato ng AFP ang mga ipinapahayag na saloobin ng ilang mga retiradong opisyal nito ay hindi pa rin ito sumasalamin sa kanilang buong organisasyon sapagkat hindi na sila konektado at nasasaklaw pa sa military justice system.
Patuloy naman ang panagawan ngayon sa publiko ng mga kinauukulan na huwag agad agad maniniwala sa ganitong uri ng mga maling impormasyon na nilalayon lamang na sirain ang pagkakaisa ng pamahalaan at ng ating bayan.
Samantala, tinutugis na ngayon ng PNP ang mga indibidwal na nasa likod ng pagpapakalat ng mga maling balita hinggil sa umano’y destabilisasyon laban sa administrasyon ni Marcos.
Ayon kay Fajardo, inatasan na ni Acorda ang PNP Anti-Cybercrime Group, at ang lahat ng mga regional directors, at field commanders na paigtingin pa ang kanilang ginagawang cyber patrolling at i-validate ang lahat ng mga videos na may kaugnayan dito.
Layunin nito na matukoy ang source o pinagmulan ng nasabing mga maling balita na nagdudulot ng kasiraan sa naturang mga organisasyon at maging sa pagkakaisa ng pamahalaan.
Kasabay nito ay ang muli ring nagbabala ang pulisya hinggil sa mga kasong posibleng kaharapin ng sinumang mapapatunayang sangkot sa nasabing usapin tulad ng kasong paglabag sa Article 154 ng Revised Penal Code, in relation to RA 10175 o ang Cybercrime Prevention Act of 2012.