Isang kriminal na lumusob sa isang hukom na sisintensya sa kanya dahil sa kasong pambubugbog ay ayaw humarap sa pagdinig ng kanyang bagong kaso sa korte ng Las Vegas nitong Huwebes.
Pinasasagot ng korte si Deobra Redden sa kanyang pag-atake kay Judge Mary Kay Holthus sa korte nitong Miyerkules ngunit tumanggi ang 30 anyos na sundin ang utos na pumunta sa korte, ayon sa ulat ng Las Vegas Review Journal.
Nakunan ng video ang pag-atake ni Redden kay Kay na naging viral sa Internet at social media.
Sa nasabing video, makikita si Redden na inaawat at pinoprotektahan si Kay ng mga kawani ng korte, abugado at marshal. Makikita rin na sinusuntok ng mga umaawat si Redden at hinihila papalayo kay Kay.
Nagulantang ang hukom sa nangyari at naospital ang isang marshal.
Sa pagdinig nitong Huwebes, inutos ni Judge Pro Tempore Lauren Diefenbach na panatilihing $54,000 ang piyansa ni Redden. Inutos rin niya na bumalik sa korte si Redden sa Martes.
Dati nang nakulong si Redden sa salang pambubugbog ng asawa at sinisintensyahan siya sa tangkang pambubugbog.
Dahil sa pag-atake niya sa hukom, nadagdagan ang kanyang kaso ng pambubugbog na nagresulta ng pinsala.