Inihayag ni Senador Ronald dela Rosa na maari umanong mangyaring muling bumalik sa pulitika si dating Pangulong Rodrigo Duterte matapos umanong magpahayag ng dating Pangulo ng kanyang interes na tumakbo bilang senador sa 2025 midterm elections.
Ayon kay Dela Rosa, ito ay maaaring mangyari kapag itinuloy ng International Criminal Court ang kanilang imbestigasyon.
Ang nasabing usapin din ay pinalutang ng mga kapartido nila sa PDP-Laban pero hindi pa nakapagdesisyon ang dating pangulo.
Pero paglilinaw pa ng senador, hindi muling tatakbo ang dating Pangulo para makakuha ng proteksyon sa anumang resulta ng imbestigayon ng ICC.
“Di naman niya kailangan ng additional protection pero sa kanya lang is siguro just to make sure that he can still contribute towards nation building ng ating bansa. After six years term as president baka pakiramdam niya mayroon pang naiwan sa kanya na pwede pang i-share sa ating kababayan na hinahanap hanap naman ng ating mga kababayan,” saad ni Dela Rosa.
Samantala, nagpahayag naman ng excitement ang ilang mga miyembro ng PDP-Laban sa posibilidad na pagtakbong muli ni Duterte bilang senador sa susunod na eleksyon.
“Isa yan sa posibilidad. Puwedeng mangyari kasi narinig ko na ‘yan sa meeting meeting naming… halos majority ng aming kasamahan sa partido ay gustong tumakbo si Pangulong Duterte and everyone is excited kung tumakbo sya. The final say is with the former president,” sabi ni Dela Rosa.
“Baka mag-give in s’ya don, to that pressure para tatakbo siya. Pero as I’ve said, wala pa s’yang final decision pero maraming akong narinig na kasamahan ko sa partido na everyone is excited to the possibility of him running as senator in 2025,” dagdag niya.