Isang motorcycle rider ang nasawi nitong Biyernes matapos sumalpok ang kanyang sinasakyan sa isang 10-wheeler truck sa kahabaan ng J. P. Rizal Avenue sa Guadalupe, Taguig.
Ayon sa mga ulat, nagtatrabaho bilang chef sa isang restaurant sa Lower Bicutan, Taguig ang biktima.
Batay sa imbestigasyon, papunta ang truck sa Pasig, habang pa-northbound naman ang rider at kinain umano ng rider ang dalawang lanes nang mangyari ang insidente bandang alas-3 ng madaling araw.
Sabi ng mga rumesponde mula Barangay Cembo, kumpirmadong nakainom ang biktima, na malaki ang tinamong sugat sa kanyang ulo at bali-bali ang paa.
“Dead on arrival na siya. Negative pulse. Nag-positive siya – intoxicated,” saad ng rescuer na si Eleuterio Moncada.
“Nangangamoy ‘yung patient ng alcohol. Intoxicated,” dagdag niya.
Sinabi naman ng driver ng truck na mabilis ang mga pangyayari. May narinig na lang siyang kalabog.
“Sumalpok sa akin… Biglaan na lang,” saad ng driver na kinilalang si Jeffrey Olatan.
Patuloy namang iimbestigahan ng traffic sector ng Taguig ang nangyari.