May dagdag na mahigit kalahating bilyong piso ang 2024 budget ng Department of Agriculture para pantulong sa mga nagtatanim ng palay at sa pagpapanatili ng di-mataas na presyo ng bigas para sa mga mamimili. Ito ay napapanahon dahil sa inaasahang pananalanta ng El Nino o matinding tagtuyot ngayong taon na inaasahang tatagal hanggang kalagitnaan ng 2024.
Malaking bahagi ng pondo ay pantulong para sa patubig ng mga palayan lalo na kung magkakaroon ng tagtuyot upang hindi masira ang mga pananim o hindi mabawasan ang aanihin at kikitain nng mga magsasaka.
Kung maganda ang produksyon sa palay, sasaya ang mga magsasaka sa malaking kita. Magkakaroon din ng sapat na supply na siyang pipigil sa pagtaas ng presyo ng bigas sa merkado. Sadyang napakataas na ng presyo ng bigas sa palengke dahil ang pinakamura ay mahigit P40 o nasa P50 kada kilo na. Kung mapapamura pa ito sa P30 kada kilo ay lalong sasaya ang mga mamamayan.
Bagaman makatarungan ang pagbibigay ng pondong pangsuporta sa produksyon ng palay, sana ay mayroon ding parehong tulong para sa mga nagtatanim ng ibang pagkain tulad ng mga maggugulay.
Mahalaga rin ang gulay bilang pagkain ng mga mamamayan dahil mas mura ito kaysa sa karne. Ngunit dumadanas rin ng hamon ang mga magsasaka ng gulay. Halimbawa na lamang ang mga nagtatanim ng karot.
Kamakailan lamang ay naiulat na nalugi ang mga supplier ng karot sa Benguet dahil bumagsak ang presyo nito sa P1 kada kilo. Sinisi ng mga lokal na dealer ang pagbaha ng karot sa merkado na siyang nagpababa sa presyo nito. Ang nakapagtataka, mahal ang presyo ng karot sa mga palengke sa Metro Manila ay P80 kada kilo at umaabot pa ng P160 kada kilo.
Ayon sa isang tagabenta ng karot sa La Trinidad Vegetable Trading Post, may mga ipinamigay na mga nakumpiskang puslit na karot kaya nabawasan ang bumibili ng lokal na karot. Tinangkilik ng publiko ang mas malalaking imported na karot kaysa sa maliliit na lokal na karot.
Katulad ng pagtulong sa mga magsasaka ng palay, kailangan ring matulungan ang mga nagtatanim ng gulay upang sapat ang kanilang kitain at patuloy silang magtatanim nito upang magkaroon ang bayan ng masustansyang pagkain sa abot-kayang halaga.