Nagpapakawala na ng tubig ang Angat Dam upang mabigyan ng irigasyon ang mga palayan sa Bulacan at ilang bahagi ng Pampanga.
Ayon kay National Irrigation Administration-Central Luzon director Josephine Salazar, nagpalabas ng tubig ang NIA sa mga lugar sa north zone nito noong huling bahagi ng Disyembre.
Kasunod ito nang mabuksan ang spill gate ng Angat Dam nang umabot sa normal na taas na 212 meters ang lebel ng tubig.
Sinabi ni Salazar na ang orihinal na schedule para sa pagpapalabas ng tubig sa irigasyon mula sa Angat Dam ay mula Enero 2 hanggang Mayo 15.
Nagpahayag siya ng kumpiyansa na ang mataas na lebel ng tubig sa reservoir ay magiging sapat para sa dry cropping season sa kabila ng El Niño phenomenon.
Ayon sa pinakahuling monitoring, ang lebel ng tubig sa dam ay nasa 214.08 meters.
Una na rito, matatandaang ang pagpapakawala ng tubig mula sa Angat Dam ay tinapos noong Miyerkules nang huminto ang mga nararanasang pag-ulan sa watershed nito.