Nag-uusap ang isang pamilya sa Cotabato City tungkol sa isang problemang inaayos daw nila nang biglang may sumulpot na mga armadong lalaki at nagpaputok. Isa ang patay sa insidente.
Sa paunang ulat, nagpupulong umano ang angkan sa bahay ni dating Maguindanao First District Rep. Ronnie Sinsuat Sr nang mayroong namaril na ikinasawi ng isang police escort ni Mayor Lester Sinsuat na isinugod pa raw ospital ngunit idineklarang dead on arrival.
Naharang naman ng pulisya ang isang SUV na nagtangka umanog tumakas sa lugar. Nahuli ang apat na sakay nito kabilang ang isang sundalo at nakumpiska sa kanila ang mahigit na 10 armas.
Nagkasa na rin ng imbestigasyon ang pulisya sa isang compound na pinanggalingan umano ang putukan, batay sa testimonya ng isang kaanak ng angkang Sinsuat.
Narekober naman sa naturang compound ang ilang basyo ng bala at mga baril .
Kasalukuyang inaalam pa ng mga otoridad ang motibo sa krimen.