Isang milagrong maituturing na nabuhay ang isang mangingisdang tinangay ng alon sa New Zealand at nagpalutang-lutang sa dagat ng halos 24 oras.
Ginamit umano ng lalaki, na hindi pinangalanan ng pulisya, ang kanyang relo sa paglikha ng kinang mula sa sinag ng araw upang makapukaw sa atensyon ng ibang mangingisda na sumagip sa kanya, ayon sa ulat ng Agence France Presse.
Mag-isa umanong nangingisda ang lalaki nang mahulog siya sa dagat matapos niyang makabingwit ng isang marlin sa Coromandel Peninsula sa North Island noong Martes. Nakaladkad raw siya ng alon at hindi na nakabalik sa kanyang bangka.
Tiniis ng lalaki ang malamig na gabi sa karagatan, ayon kay police sergeant Will Hamilton.
Habang nakatigil sa tubig matapos mapagod sa paglangoy, nilapitan siya ng isang pating. Umalis din naman ang pating at himalang hindi siya sinakmal nito.
Miyerkules na ng hapon nang mapansin ng tatlong lalaking nangingisda ang hindi raw pangkaraniwang repleksyon sa tubig at doon na nila nakita ang lalaki.
“Sadyang milagro na buhay pa ang mangingisda matapos ang kanyang sinapit,” sabi ni Hamilton.
“Kung hindi dahil sa mabilis na aksyon ng tatlong sumagip sa kanya, malamang na nauwi ito sa trahedya,” aniya.