Inanunsyo ng Presidential Communications Office nitong Huwebes na nasa kabuuang 27,968 barangays na sa bansa ang na-clear na umano sa droga ayon sa ulat ng Philippine National Police.
Sinabi rin ng PCO na nasa P10.41 bilyon ng narcotics ang nasabat ng mga otoridad mula January hanggang December 2023.
Dagdag pa nito, nasa 23 probinsya, 447 municipalities at 43 na siyudad ang nagtatag na ng kanilang mga sariling community-based drug rehabilitation programs upang matulungan ang pamahalaan sa kampanya nito laban sa ilegal na droga.
Sinabi pa ng PCO na mayroon 50 probinsya, 1,160 municipalities at 30 mga siyudad ang may functional na Anti-Drug Abuse Councils na siyang nagpapatupad ng mga anti-drug priorities sa local level.
Mayroon din mga 74 established in-patient treatment at rehabilitation facilities sa bansa, ayon sa PCO.
Sa simula ng kanyang panunungkulan, itinutulak na ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. ang “whole-of-nation approach” pagdating sa kampanya nito sa drug abuse na maaaring magdulot ng chronic illness at social issues kung hindi matututukan.
Dagdag pa ng Pangulo, dapat kasama rito ang prevention, treatment, rehabilitation at law enforcement upang masigurong magiging epektibo ang implementasyon ng Philippine Anti-Illegal Drug Strategy.
Nauna nang sinabi ni Marcos na tututukan ng kanyang administrasyon ang rehabilitation upang masugpo na ang paggamit ng ilegal na droga na isang approach na hindi katulad sa ipinatupad ni dating Pangulong Rodrigo Duterte.
Sinabi rin ni Marcos na ang pagsugpo ng mga sindikatong may kaugnayan sa droga ay kinakailangan rin upang masolusyunan ang problema.
Ayon naman sa PCO, ipagpapatuloy ng Dangerous Drugs Board ang kampanya nito upang ipatupad ang Barangay Drug Clearing Program na may layong abutin ang 100 percent drug-free o drug-cleared barangays hanggang 2028.
Sinabi rin nito na pinaiigting na rin ng Philippine Drug Enforcement Agency ang laban nito sa mga top-level drug personalities sa pamamagitan ng mas pinalakas na operasyon at mas malakas na financial investigation upang maharang ang kanilang mga assets.