Iginiit ng Bureau of Customs nitong Huwebes na hindi nito ibinebenta ang mga balikbayan box na hindi nakukuha habang ikinakasa na nito ang imbestigasyon kaugnay sa umano’y bentahan online ng mga unclaimed balikbayan box.
Ayon sa BoC, may nakita umanong Facebook post ng mga unclaimed balikbayan box na ibinebenta sa halagang P5,000 habang isang video naman ng isang content creator ang naging viral nang sabihin nito na nakabili ito ng balikbayan box na hindi kinuha sa halagang P5,000.
Paglilinaw ni BoC spokesperson Michael Fermin, hindi sila nagbebenta ng mga balikbayan box na hindi nakukuha.
“Iniimbestigahan natin kung saan yung source at anong balikbayan boxes ang ibinebenta online,” anang opisyal.
Inamin naman ng ilang cargo companies na ibinebenta nila online ang mga unclaimed package na nakatengga sa mga bodega ng mahigit isang taon.
“We have spent money to mobilize the cargo from their homes, okay? And shipping it all the way and sending it to there and keeping it in safe and secure custody with us,” paliwanag ni Golden Express International Cargo CEO George Matthew. “So at least let us cover a small part of the freight.”
Masama naman ang loob ng mga overseas Filipino workers na hindi nakararating sa kanilang mga kaanak ang pinaghirapan nilang balikbayan box.
Isang OFW ang nagsabi na nawala ang kaniyang balikbayan box at sinabihan umano siya ng nakausap sa BOC na magbabayad siya ng P18,000 hanggang P20,000 kapag nakita.
Pero itinanggi ni Fermin ang naturang kalakaran para sa paghahanap ng balikbayan box.
“Kailanman po ay hindi tayo nag-demand ng babayaran para lang makuha nila ang kahon. Kung mapapatunayan po natin yan we will make sure po that we will file administrative cases and we will suspend or terminate itong empelyado na ito,” ayon kay Fermin.