Isang 65-anyos na babae ang natagpuang walang ulo sa kanyang tindahan sa Bayugan City, Agusan del Sur at ayon sa mga paunang ulat, pinatay ang matanda dahil umano sa alitan na nag-ugat sa matinik na bulaklak ng biktima na sagabal umano sa daanan ng suspek.
Batay sa mga ulat, natagpuan ang ulo ng hindi pinangalanang biktima 200 metro ang layo mula sa crime scene, habang kinilala naman ng mga otoridad ang suspek na si Mario Furton na kapitbahay umano ng biktima.
Sa paunang imbestigasyon, nakikipag-inuman daw ang suspek nang sabihin niya sa kanyang mga kainuman na bibigyan niya sila ng regalo.
“Pumunta siya sa bahay ng victim, pumasok siya sa tindahan which is doon lang din ang bahay ng victim. May dala-dala siyang bolo, tinaga at yun na,” sabi ni Bayugan City chief of police Police Lieutenant Colonel Shalon Faye Cornelio.
Pinakita din umano ni Fortun ang ulo ng biktima sa kanyang mga kainuman.
Lumalabas sa inisyal na imbestigasyon na maaaring nag-ugat ang krimen dahil sa hidwaan ng dalawang magkapitbahay tungkol sa bulaklak ng biktima.
“Konting alitan lang dahil sa bulaklak ng victim na sagabal daw sa dinadaanan ng suspek. Nagalit si suspek kasi daw yung bulaklak po may mga tinik. In response naman sa galit ng suspek kay victim, sinabihan daw si suspek na magnanakaw,” sabi ni Cornelio.
Nasa kustodiya na ng pulisya ang suspek.