Hanggang ngayon ay nangangalap pa rin ng impormasyon ang pamahalaan sa kung ano ang mga maaaring gawing interventions upang matulungan ang Japan lalo na ang mga Pinoy na nasa nasabing bansa.
Kung matatandaan, sinabi ng Philippine Embassy sa Japan na wala pang Pilipino ang naiulat na nasugatan sa magnitude 7.6 na lindol na tumama saJapan sa pagdiriwang ng Bagong Taon noong Lunes.
Ayon kay Philippine Ambassador to Japan Mylene Albano, ang mga Filipino community doon ay walang naiulat na nasawi sa kanila kasunod ng napakalakas na lindol na nagdulot ng malalaking tsunami warning sa bansa sa unang pagkakataon mula noong 2011.
Batay naman sa mga impormasyong nakalap mula sa mga Filipino community sa mga apektadong lugar, ang ilan ay lumipat na sa mga evacuation center, habang ang iba ay nagtungo sa city hall bilang pag-iingat upang maiwasan ang posibleng tsunami.
Ang 7.6 magnitude na lindol ay agad na sinundan ng mahigit 50 malakas na aftershocks sa baybayin ng Ishikawa at sa nakapaligid na lugar.
Matatandaan na ang Japan Meteorological Agency ay naglabas at kalaunan ay ibinaba ang isang mataas na antas ng babala sa tsunami, na nagbabala sa publiko laban sa pag-alis sa kanilang mga tahanan dahil sa panganib ng mga nakamamatay na alon at aftershocks sa susunod na mga araw.
Ayon kay Albano, hindi bababa sa 1,000 Pilipino ang naninirahan sa Ishikawa Prefecture.