Inihayag ng Las Piñas Police nitong Miyerkules na pansamantalang pinalaya ng piskalya noong Martes ang apat na kawani ng Barangay Manuyo Uno sa Las Piñas na suspek sa pagpatay umano sa isang lalaki noong Disyembre 27.
Ayon kay Las Piñas Police chief PCol. Jaime Santos, nakalabas na ng kulungan ang mga suspek na ayon kay Police Master Sergeant Marsito Torreon na ang imbestigador sa kaso, nakulangan ang city prosecutor sa isinumite nilang ebidensya.
“Nakakalungkot man pero ‘yun ang desisyon ng ating piskalya. Medyo nakulangan sila sa mga ebidensya na isinubmit namin kasi nagahol na rin kami sa oras… sa CCTV footage hindi namin na-submit agad sa kanila on time,” sabi ni Torreon.
Dagdag niya, hindi naman ibig sabihin na lusot na ang mga suspek sa kaso at nakakasa na ang preliminary investigation sa susunod na linggo.
“Released for further investigation. Magkakaroon kami ng hearing on Jan. 8… ang nakalagay doon. Magsu-submit kami ng karagdagang ebidensya para palakasin pa ang mga kaso sa mga [suspek],” saad ni Torreon.
Ayon pa sa kanya, kilala na ng Las Piñas police ang iba pang mga sangkot sa krimen. Bukod daw kasi sa apat na suspek, hindi lalagpas sa 6 ang tinitingnan nilang kasama ng mga ito.
Dismayado naman ang kaanak ng biktima sa naging desisyon ng piskalya.
“Nabigla ako. Masyadong malakas ang ebidensya namin pero parang binabasura… Nagulat ako nakalaya, nasa labas na daw (ang mga suspek),” sabi ng kaanak, na ayaw magpakilala sa publiko para sa kanyang seguridad.