Patay ang limang residente ng Talayan, Maguindanao del Sur matapos uminom ng kontaminadong tubig galing sa poso.
Nakaranas ang mga nasawi ng pagsusuka, pagdudumi at panghihina, ayon sa mga paunang ulat.
Kasalukuyan namang nasa ospital ang 21 katao na sila ring nakaranas ng parehong sintomas.
Sabi ng Integrated Provincial Health Office ng naturang lalawigan, lumalabas na cholera ang sanhi ng pagkasawi at pagkakasakit ng mga residente.
Uminom kasi sila ng tubig mula sa posong malapit sa isang ilog na nagkaroon daw ng fish kill at pinagtatapunan ng mga pinaghugasan ng mga pesticide.
Bukod dito, sa naturang ilog din daw naligo, dumudumi, at naghuhugas ng mga pinagkainan ang mga residente,
Nagpadala naman ng sample ng tubig ang health office ng lalawigan sa Department of Health.
Nagbigay din muna ng inuming tubig ang lokal na pamahalaan ng lalawigan sa kanilang mga residente dahil sa nangyari.