Ipinahihinto na ng Commission on Higher Education ang mga programang senior high school sa lahat ng pampublikong pamantasan at kolehiyo (SUC at LUC) mula ngayong taon. Sa ilalim ng nasabing programa, binibigyan ng tulong pinansiyal o voucher ang mga estudyanteng galing sa pribadong paaralan na lilipat sa mga SUC at LUC.
Ayon kay CHED Chairman J. Prospero de Vera III, wala nang legal na basehan ng pagpopondo sa programang ito dahil tapos na ang taning sa pagpapatupad nito.
Pinaalala ni De Vera na ang SHS sa mga SUC at LUC ay para lamang sa school year 2016-2017 at 2020-2021 bilang bahagi ng pag-transisyon ng mga estudyante at guro sa sistemang Kindergarten to Grade 12 o K-12. Pinili ang nasabing mga school year dahil inasahan noon na mababa ang papasok sa mga SUC at LUC sa pagsisimula ng K-12.
Ang mga maaari na lamang makakuha ng voucher para sa mga estudyante ay iyong mga nag-enroll sa school year 2023-2024. Maaaring ituloy ng SUC at LUC ang SHS ngunit wala nang voucher para sa mga estudyante ang ibibigay ng CHED at limitado lamang ang bilang ng estudyanteng maipapasok nila sa laboratory school.
Hindi man maganda ang balitang ito para sa maraming estudyante at magulang, maaari naman magpasa ng batas para sa pagpapatuloy ng libreng SHS sa mga SUC at LUC. Makatarungan naman ito dahil maraming mahihirap na pamilya ang maaapektuhan kung wala nang CHED voucher para sa kanilang pag-aaral ng SHS.
Maaari ding magkaroon ng batas na nagpapababa sa gastusin sa SHS upang kayanin ng mga magulang ang pagpapaaral sa kanilang anak lalo na ngayon na sobrang mamahal na ng mga bilihin lalo na ng pagkain.
Kung tutuusin, makatarungan naman ang libreng pag-aaral sa lahat ng antas ng paaralan dahil bayan rin naman ang makikinabang sa mga kabataan na makapagtatapos ng kanilang pag-aaral. Kailangan ang maalam na mamamayan sa pagpapaunlad ng bansa.
Nararapat pa ngang palawigin ang libreng SHS upang mas maraming kabataan at magulang ang makinabang rito.
Bagaman maaaring pumasok ang mga mag-aaral ng SHS sa mga pampublikong paaralan, masyado nang puno ang mga ito at lalo lamang magsisiksikan ang mga estudyante sa bawat klase o madadagdagan pa ng isang shift ang pag-aaral.
Mas maiging marami ang alternatibo ng mga mag-aaral at magulang upang matulungan ang lahat na makapag-aral.