Magkakaroon ng kaunting pagbabago sa gaganaping Traslacion ngayon taon, ayon sa isang opisyal ng Nazareno 2024 dahil hindi na umano maaaring makasampa o makaakyat ang mga deboto sa andas ng Nazareno.
Ayon kay Fr. Hans Magdurulang, tagapagsalita ng Nazareno 2024, ito ay dahil meron ng salamin ang andas ng Nazareno upang mapanatiling siya lang ang nakikitang nasa ibabaw.
Naniniwala naman daw siya sa pakikiisa, kaayusan at disiplina ng deboto kaugnay sa pagbabagong ito.
“Ang ating pagpapanumbalik ay yung dating paraan, pagdiriwang na kung saan higit na nakikita sa ibabaw ng andas ang imahe ng Nazareno dahil ang pagdiriwang na ito ay hindi tungkol sa atin lang mga deboto, higit sa lahat ito ay tungkol sa Nazareno kaya siya ang ating ipakita muli sa mga tao,” saad niya sa isang panayam nitong Martes.
Gayunpaman, meron pa rin naman daw pagkakataon ang mga debotong nagbabato at nagpapahid ng bimpo sa Nazareno.
“Merong 8 hijos sa ibabaw ng andas pero hindi sila nasa loob ng salamin kundi nasa labas ng salamin at halos ulo lamang nila ang kita dun sa ibabaw ng andas para higit pa ring makita ang imahen ng Nazareno lalo na yung nasa malalayong lugar at nasa kanilang mga tahanan yung imahen ng Nazareno,” pagpapatuloy niya.
Ayon pa kay Magdurulang, ilang buwan nilang ginawa at pinagplanuhan ang bagong andas.
Batay sa kanilang estimasyon, maaaring umabot sa 22 milyon ang debotong dadagsa mula sa nobenaryo noong Disyembre 31 hanggang Enero 10, 2024.
Kaugnay nito, sinabi ng Philippine National Police na wala naman silang nakikitang banta para sa naturang selebrasyon at papaigtingin pa daw nila ang kanilang paghahanda sa seguridad hanggang sa araw ng kapistahan sa Enero 9.