Isang pulis sa bayan ng Bansalan sa Davao del Sur ang nasawi matapos umanong tamaan ng bala habang naglilinis ng kanyang baril sa loob ng kanyang bahay.
Kinilala ng mga otoridad ang biktima na si Patrolman Jhaniel Pepito na nakadestino sa Second Davao del Sur Provincial Mobile Force Company.
Batay sa salaysay ng ina ng biktima, nakita niya ang kaniyang anak na nililinis ang baril nito sa kuwarto subalit pagkaraan ng ilang saglit ay nakarinig na lang siya ng putok ng baril.
Nang puntahan niya ang kaniyang anak, nakita niyang duguan ito na nakasandal sa kama.
Dinala pa ang pulis sa ospital ngunit idineklarang dead on arrival.
Patuloy ang imbestigasyon ng pulisya sa nangyari.