Nagpahangin lamang ang isang tao sa kanyang balkonahe nang tamaan ito ng isang ligaw na bala na ikinasawi nito sa kasagsagan ng pagdiriwang ng Bagong Taon sa Bataan.
Ayon sa mga otoridad, nagpapahangin lang sa balkonahe ng bahay ang biktimang nasawi sa Mariveles, Bataan noong Linggo ng gabi nang mangyari ang insidente.
“Kaagad pong dinala nila ito sa Mariveles District Hospital subalit binawian din po ito ng buhay,” ayon kay Philippine National Police spokesperson Police Colonel Jean Fajardo.
Sa Antipolo, Rizal naman, natamaan ng ligaw na bala sa balikat ang biktimang kinilalang si Joan Jimenez habang nanonood ng mga nagpapaputok sa labas ng bahay.
Sa kuha ng CCTV camera, kasama ni Jimenez ang iba niyang kaanak, pati na ang kaniyang batang anak na karga ng kaniyang pinsan.
“Masakit, mahapdi…lumapit ako sa tito ko, sabi ko patingin kasi parang may tumama na paputok, akala ko paputok. Pagtingin ko…sabi nila bala po,” kuwento ni Jimenez.
Isinugod ang biktima sa Amang Rodriguez Memorial Medical Center at nakuha ang bala na tumama sa kaniya.
“Sabi po nila sa amin, buti na lang hindi tumama sa mga nerves, kasi talagang magiging baldado daw po,” saad niya.
Bukod sa nakaligtas, ipinagpapasalamat din ni Jimenez na ipinakarga niya ang kaniyang anak sa kaniyang pinsan bago mangyari ang insidente. Posible umano na ang bata ang tinamaan kung hawak niya ito.
Iniimbestigahan na ng Antipolo police kung saan nanggaling ang bala na tumama kay Jimenez.
May biktima rin ng tama ng ligaw na bala na dinala sa ARMMC na mula sa Marikina. Sa paa ang tinamo nitong sugat.