Isang enforcer ng Metropolitan Manila Development Authority ang nahaharap ngayon sa mga kaso matapos nitong mahagip ang dalawang pasahero nag-aabang sa EDSA Busway sa Quezon City.
Batay sa video, ipinakita ng Special Action and Intelligence Committee for Transportation Department of Transportation ang nangyaring insidente sa southbound ng EDSA Busway malapit sa Main Avenue sa Quezon City noong Sabado ng 1 a.m.
Makikita ang MMDA traffic enforcer na nakauniporme at pilit na itinatayo ang natumba niyang motorsiklo habang madidinig sa video na pinipigilan ang enforcer na umalis dahil may naaksidente siya.
Ayon pa sa mga nakasaksi, lasing umano ang enforcer.
Plano pa umano ng enforcer na umalis sa lugar pero pinipigilan siya ng mga tao. Humingi na rin ng tulong sa Coast Guard personnel na naka-duty malapit sa lugar para pigilan ang enforcer.
Ayon sa DoTr, sa naturang lugar nagbababa ng pasahero ang mga bus na dumadaan sa busway.
Iniutos naman ni MMDA chairman Romando Artes na imbestigahan ang nangyari, pati na ang kanilang tauhan.