Sa kabila ng maigting na paalala ng mga otoridad na huwag ng magpaputok, marami pa ring nabiktima nito, lalo na ang mga bata.
Sa Maynila, apat na bata ang nasabugan ng paputok kung saan ang isa sa kanila ay kinailangang putulin ang kaliwang kamay dahil sa lubha ng pinsalang natamo nito.
Sa kuha ng isang CCTV sa Barangay 574, Sampaloc, makikita ang tatlong bata na nagsisiga ng mga papel sa isang sulok, limang oras bago ang Bagong Taon.
Lumapit naman sa kanila ang isang bata na pumulot ng paputok na hindi sumabog at inilagay ito sa apoy. Nang sumindi ito ay sinubukan daw nila itong patayin gamit ang kanilang kamay at paa.
Ilang sandali pa ay sumabog na ang paputok.
“Bumibili po ako ng sabon para paliguan po silang tatlo e. Balak ko po nun, patulugin muna ‘yung mga anak ko. Pag dating ng alas-12 ng gabi, saka ko sila gigisingin para makita ‘yung mga fireworks,” saad ni Marineza Aguilos.
“Pag talikod ko pa lang po, may nag chat po sakin na ate ‘yung mga anak mo nasabugan na,” dagdag niya.
Sa ngayon ay tapos na raw ang operasyon ng kanyang anak at naputol na raw ang kamay niyang napinsala pero hirap pa rin daw huminga ang bata dahil sa plema sa kanyang baga.
Samantala, sa ospital din sinalubong ng isang bata sa Caloocan ang Bagong Taon matapos masabugan ng hawak niyang pla-pla, ilang minuto bago sumapit ang 2024.
Kwento ng ama ng bata na si Marlon Relly, nagpapaputok daw ang anak niya sa labas ng kanilang bahay kasama ang iba pa nilang kapamilya.
Hinawakan daw ng bata ang pla-pla na akala niya’y wala ng sindi at biglang pumutok sa kanyang kamay.
“Nung inalis niya ‘yung pla-pla, akala niya wala nang sindi. Nung paghawak niya, biglang pumutok sa kamay niya, saka sa mukha niya saka sa paa,” saad ni Relly.
Hinimatay ang bata at dinala sa President Diosdado Macapagal Memorial Medical Center sa naturang lungsod at nilipat din sa Jose R. Reyes Memorial Medical Center sa Maynila.