Ngayong tapos na ang selebrasyon ng Pasko at Bagong Taon, dagsa na muli ang mga pasahero na balik-trabaho na at patuloy sa pagdating sa Maynila matapos magbakasyon sa mga lalawigan nitong nagdaang holiday season.
At sa gitna nito, may ilang mga pasahero ang problemado dahil walang masakyang taxi pagbaba sa terminal dahil umano maraming taxi ang hindi pumapayag na maghatid ng pasahero sa mga malalayong lugar.
“Pang-apat ko na po itong para sa taxi, walang pumapayag. Uuwi po ako sa Taguig,” sabi ng isa sa mga pasahero sa terminal sa Cubao.
Samantala, ayon sa Cisco bus terminal, nasa higit 200 pasahero na ang bumaba sa kanilang terminal ngayong Martes umaga.
Nasa 2,000 naman ang bilang ng mga pasahero na nagsisidatingan sa Baliwag Transport sa Cubao, Quezon City.
Nito namang Bagong Taon, nasa 34,449 outbound passengers at 25,109 inbound passengers ang na-monitor ng Philippine Coast Guard sa lahat ng ports sa bansa.