Naglipana pa rin ang mga taxi driver na namimili ng pasaherong isasakay sa kabila ng paulit-ulit na babala ng mga kinauukulan na bawal ito.
Dito lang sa Pilipinas nangyayari na papara ka ng taxi, tatanungin mo muna sa tsuper kung maaari kang ihatid sa paroroonan mo. Madalas na tatanggihan ka ng tsuper na nangangatwiran na mahirap pumunta sa destinasyon ng pasahero dahil sa masikip na trapiko roon. O di kaya’y pagarahe na sila.
Kung bakit nag-tsuper ng taxi pa ang mga ganitong klaseng driver kung ayaw naman gawin ang kanilang tungkulin ay pananagutan ng Land Transportation Franchising and Regulatory Board na siyang nagbibigay ng lisensya sa mga pampublikong sasakyan. Dapat ay hindi binibigyan ng karapatang magmaneho ng taxi ang mga tsuper na namimili ng pasahero.
Bagaman may parusa ang LTFRB sa mga isnaberong taxi driver, hindi sila naisusuplong dahil sa malaking abala sa mga biktima nila ang pagpunta sa pagdinig ng reklamo. Dapat ay kung nakatatlong reklamo na ang tsuper ay tanggalan na sila ng Karapatan na magmaneho ng taxi dahil hindi sila karapat-dapat.
Taong 2024. Kung mayroon pa ring ganitong mga tsuper ng taxi, may pagkukulang na ang LTFRB.
Bukod sa mga namimiling cab driver, mayroon ding nagpapadagdag ng bayad, ayaw gumamit ng metro at mataas sumingil, katulad ng driver na naghatid ng banyaga sa loob lamang ng airport at siningil ang pasahero ng P10,000. Nasuspinde man ang gahaman na tsuper, marami pa ang naniningil ng mataas o humihingi ng dagdag na bayad sa pasahero.
Samantala, perwisyo ang kinakaharap ng maraming mananakay ng dyip ngayong taon dahil sa away ng mga tsuper ng dyip at LTFRB ukol sa taning ng pagko-consolidate nila o pagbuo ng kooperatiba. May mga naperwisyo ring mananakay kahit hindi lahat ng tsuper ang sumama sa tigil-pasada nitong huling linggo ng 2023. Nagbanta rin sila na itutuloy pa ang tigil-pasada ngayong taon.
Kung sakali mang hindi sila mag-protesta, huhulihin naman sila ng mga pulis-trapiko dahil hindi sila “consolidated” o walang kooperatiba na ipinipilit ng LTFRB bilang bahagi ng kanilang programang PUV Modernization. Pati mga dyip nila ay mai-impound. Maaaring magkulang ang bilang ng dyip na pumapasada kung lahat ng dyip ng 40 porsyentong hindi konsolidadong tsuper at operator sa Metro Manila ay mai-impound.
Hindi dapat mga mananakay ang magsasakripisyo sa away ng mga tsuper at LTFRB. Tapusin na nila ang kanilang gulo upang hindi madamay ang mga nananahimik na mananakay.