Iniulat ng mga otoridad na wala umanong Pilipino ang naitalang nasawi mula sa malakas na lindol na tumama sa Japan pero may ilang mga Pinoy na naninirahan sa sentro ng lindol ang lumikas dahil sa banta ng tsunami.
Ayon kay Philippine Ambassador to Japan Mylene Garcia-Albano, ang mga Pinoy na lumikas ay mula sa Ishikawa Prefecture, isa sa mga lugar na matinding tinamaan ng 7.6-magnitude na lindol noong Lunes.
“Nag-report po sa amin na merong 35 Filipinos na nag-evacute daw po sa city hall kasi after po ng tsunami warnings na na-issue,” saad ni Garcia-Albano.
Matapos ang lindol, naglabas ng tsunami warning ang mga awtoridad na posibleng lumikha ng malaking alon na hanggang five meters ang taon sa mga coastal area.
Nauna na ring iniulat ni Department of Foreign Affairs Undersecretary Eduardo de Vega na walang Filipino casualties sa nangyaring lindol, batay sa impormasyon mula sa Office of the Undersecretary for Migrant Workers.
“The Filipino community has been contacted and no reports of any [Filipino] casualty at this time,” saad ng DFA-OUMWA.
Samantala, naglabas ng abiso ang Philippine Consulate General sa Nagoya para sa Filipino community at masusi umanong sinusubaybayan ng tanggapan ang nangyayari sa Japan.
Base sa mga paunang ulat, nasa 48 na katao na ang naiulat na nasawi sa Ishikawa prefecture, at kalahati nito ay nasa Wajima.
Ayon sa DFA, 298,740 ang Pinoy sa Japan, at 1,300 sa mga ito ang nasa Ishikawa prefecture.
Sinabi naman ni Overseas Workers Welfare Administration administrator Arnel Ignacio na masusing nakasubaybay ang kanilang mga opisyal sa kalagayan ng mga Pinoy doon.
“OWWA welfare officers are also monitoring. Ishikawa prefecture and coastal areas of Toyama, Fukui, and [Hyogo] were all given tsunami warnings. All precautionary steps for safety are all being taken,” ani Ignacio.
Tinatayang may 500 katao ang stranded sa loob ng kanilang mga sasakyan sa parking area, ayon sa ulat ng public broadcaster NHK.
Sa coastal town ng Suzu na may mahigit 5,000 pamilya ang naninirahan na malapit sa epicenter ng lindol, nasa 1,000 bahay umano ang nasira, ayon sa alkalde na si Masuhiro Izumiya.
“The situation is catastrophic,” saad niya.