Isang estudyanteng Intsik sa Estados Unidos ang natagpuan ng pulis na nanginginig sa lamig sa may bundok ng Utah matapos mabiktima ng tinatawag na cyber kidnapping.
Huwebes nang mapaulat na nawawala si Kai Zhuang, 17. Sinabihan daw ng mga magulang niya na nasa China ang mga opisyal ng kanyang eskwelahan sa Riverdale na dinukot ang kanilang anak at may humihingi ng pantubos sa kanila.
Cyber kidnapping umano ang nangyari kay Zhuang, ayon sa mga pulis. Sa nasabing modus, inuutusan ng mga suspek ang biktima na mag-isolate sa isang lugar at magbigay sa kanila ng litrato na parang binibihag sila, ayon sa ulat ng Agence France Presse.
Ang mga litratong ito naman ang ipaadala sa pamilya ng biktma ng mga cyber kidnapper at doon na hihingi ng pantubos.
Matapos suriin ng mga otoridad ang rekord sa bangko ni Zhuang, mga pagbili niya at lokasyon ng kanyang telepono, natunton siya ng pulis sa isang tent sa maniyebeng campsite sa kabundukan malapit sa Brigham City.
Dahil sa lamig ng panahon, nabahala ang kapulisan sa kaligtasan ng bata na maaaring masawi dahil sa baba ng temperatura.
Batay sa ulat, natuklasan ng isang sarhento na naghanap sa estudyante sa bundok ang kanyang tent at tinawagan niya siya. Natagpuan ang biktima sa loob ng tent na buhay, ngunit nilalamig at natatakot.
Sa loob ng tent, mayroon lamang si Zhuang na isang kumot, sleeping bag, limitadong pagkain at tubig at ilang mga telepono na pinaniniwalaang ginamit sa cyber kidnapping.
Matapos masagip ay humiling daw si Zhuang na makausap ang kanyang pamilya na nagbayad ng $80,000 pantubos sa mga online scammer noong mangyari ang panloloko. Humiling rin daw si Zhuang ng mainit na cheeseburger.
Samantala, hindi naman daw namalayan ng host family ni Zhuang sa Riverdale na nawawala siya. Anila, narinig pa nila si Zhuang na nasa kusina, umaga noong araw na nawala siya.
Ayon sa kapulisan ng Riverdale, target daw ngayon ng mga cyber kidnapper sa Amerika ang mga foreign exchange student, partikular na ang mga Chinese.