Nananatiling naka-admit sa ospital ang isa sa anim na nagtamo ng pinsala sa katawan kasunod ng nangyaring pag-araro ng sasakyan sa isang branch ng Banco De Oro sa Greater Lagro, Quezon City nitong Huwebes.
Nakalabas na sa ospital nitong Lunes ng umaga ang lima sa anim na indibidwal na nasaktan sa insidente. Kabilang dito ang isang empleyado ng bangko, isang security guard at tatlong kliyente.
Ayon kay QCPD Public Information Officer P/Maj Jennifer Gannaban, ang natitirang naka-admit na babaeng empleyado ng bangko ay nagtamo ng pinsala sa ulo ngunit nasa stable condition.
Isa namang babaeng kliyente ng bangko ang nasawi nitong Biyernes dahil sa insidente.
Ayon kay Gannaban, nasa kustodiya na ng QCPD traffic sector 2 ang 58-anyos na suspek na nagmamaneho ng Toyota Fortuner na sumira sa pinto at booth ng teller ng bangko.
Ayon sa drayber, hindi raw niya makontrol ang sasakyan sa pag-atras-abante noong nangyari ang insidente.
“Nag-signal ‘yung guard na i-atras ko ‘yung sasakayan ko. Pagkatapos i-ganun ko, naatrasan pa. Hindi mapigilan ‘yung sasakyan,” wika niya.
“Tapos lagay ko naman sa ano, dumerecho na naman. Hanggang gan’un. Dumerecho sa humps. Ngayon, pumasok pa sa loob hanggang sa naaksidente ‘yung mga tao sa loob. Naapakan ko ‘yung accelerator, umatras pero di mapigilan ‘yung sasakyan,” dagdag niya.
Sa kabila nito, sinabi ng QCPD na pagkakamali ng drayber ang sanhi ng trahedya, at hindi malfunction ng kanyang sasakyan.
Nahaharap ngayon ang suspek sa patong-patong na reklamong reckless imprudence resulting in homicide, multiple physical injuries at damage to property.