“Mabuhay ang bagong kasal!” Iyan ang pangmalakasang pagbati kina Mrs. Angelica Jane Charlson-Homan at Gregg Homan. Si Angelica, isa sa pinaka-mahusay na aktres mula sa Star Magic Kingdom, bukod tanging babaing pinagpala sa lahat dahil ang kangyang pag-ibig na walang kapantay at pang-habang buhay ay talagang ibinigay at itinakda sa kanya.
Bukas na aklat ang mga nakalipas niyang di na maaring balikan at ngayon nga, nasa happily ever after phase na ang kanyang buhay kasama ang husband dearest Gregg at panganay nilang anak na babae, si Amila Sabine.
Kitang-kita sa mga larawang ipinamahagi sa social media na totoo kay Mrs. Homan ang “marriage and motherhood becomes her” dahil ang ganda-ganda talaga nito at mababasa talaga sa mukha ni Pangiban ang kaligayahang wagas.
At hindi rin maitatago ang pagmamahal ni Papa Gregg sa kanya, huh! Maalab na maalab ang you may know kiss the bride moment nila, hindi ba naman?
Naku, naku, naku… marami ang nanalig na baby number two ang kasunod ng “I do” na ito at panalong development naman talaga sa mag-asawa kung may coming soon na kapatid na ang mini-me ni Angelica. Ang saya-saya nga na ang nag-iisang Mrs. Homan ay devoted wife and loving mother ang kinakarir nito ngayon at on hold pansamantala ang kanyang karera.
Ang isa pa sa nakakatuwang pangyayari sa kasal ng mga Homan eh ang pinaka-matalik na kaibigan ni Angelica, sina Bela Padilla at Kim Chiu ay dumalo sa kanyang matrimony.
Sa true lang, aspirational ang AngBeKi dahil nga pambihira sa showbiz ang mga subok na matibay at subok na matatag na friendship.
Kaya kay Mr. and Mrs. Gregg Homan, go forth and multiply na para naman another healthy at beautiful baby ang maasahan mula sa inyo.
***
Ngayong ipapalabas na sa free TV ang “Linlang”, makaka-asa ba tayo na sa wakas, may pag-amin sina Kim Chiu at Paulo Avelino sa kung ano ba talaga ang halaga nila sa isa’t-isa?
Kahit pa nga opisyal na ang hiwalayang Kimberly Sue at Alexander Xian Lim, grabehan pa rin ang pang-iintriga kay Kim. Pinagpipilitan ng mga katkatera na ang pagiging Juliana nito sa kanyang pangmalakasang palatuntunan, ay malaking dahilan kaya ito bumitas sa labing dalawang taong relasyon. Para sa mga katkatera, enjoy na enjoy si Chiu sa pagiging si Juliana kaya ang kapangahasan at kapusukan ng kanyang katauhan, hindi na niya mabitawan.
Na ang sweet-sweetan na Kim ay isang pagpapanggap na lamang, isang katauhang nakasanayan na niyang ilako at pinangangatawanan na lamang sa publiko. Pero ang tunay na Kimberly Sue ay mapaglaro at mapanukso.
Pinapipilitan ng mga taga-pangkat katkatera na may nakakapasong closeness sina Kim at Avelino on and off the camera. At ang pag lagablab ng apoy na nakakapaso ay mas umigting at uminit nung ang dalawa ay pumunta sa Milan.
Naku, naku, naku…ano naman kaya ang haka-haka at hinuhang ilalatag ng mga taga-pangkat katkatera kapag ang “What’s Wrong With Secretary Kim” ay itatanghal na? Ibang klase ang matataba at mapaglaro nilang utak, sa true lang. Taob ang lahat, huh!