Iniulat ng mga otordidad na dalawa na umano ang nasawi dahil sa paputok at tama ng ligaw na bala sa selebrasyon ng pagsalubong sa Bagong Taon.
Ayon sa Philippine National Police nitong Lunes, nasa 509 katao ang nasugatan dahil sa paputok at may isa naman ang sugatan dahil sa tama rin ng ligaw na bala.
Sinabi naman ng Department of Health na mayroong 116 bagong biktima ng paputok ang dinala sa mga ospital mula 6 a.m. ng December 31, 2023 hanggang 5:59 a.m. ng January 1, 2024.
Isa rin ang sugatan dahil sa pagpapaputok ng baril.
Samantala, nakapagtala ang PNP ng 13 insidente ng illegal discharge of firearms. May 13 suspek ang inaresto at walong baril ang nakumpiska.
Sa Zamboanga nitong Linggo, isang lasing na pulis ang nangpaputok ng baril sa likod ng kanilang tinutulugan at nasa kostudiya na ng mga otoridad para sampahan ng mga kasong kriminal at administratibo.
May 26 katao naman ang inaresto dahil sa mga ilegal na paputok. Nasa 193,320 piraso ng illegal firecrackers na nagkakahalaga ng P3,694,794.50 ang nakumpiska.
Karamihan sa mga paputok na nakumpiska ay Judas’ belt, five star, piccolo, at kwitis.
Dalawang insidente rin ng sunog dahil sa paputok ang naitala ng PNP. Dalawa ang nasawi at siyam ang nasugatan dahil sa mga insidente.
Sa kabila nito, inihayag ni PNP spokesperson Police Colonel Jean Fajardo na naging mapayapa sa pangkalahatan ang pagdiriwang ng New Year 2024.
Mananatili umanong naka-heightened alert status ang PNP hanggang sa susunod na linggo dahil sa inaasahan pa rin ng mga tao na bibiyahe matapos ang New Year celebration.