Hindi maikakaila na ang nagdaang taon ay puno ng mga pagsubok, kontrobersya at mga pakikibaka kung saan talagang nasubok ang pagiging matiiisin nating mga Pinoy pagdating sa mga kinakaharap na problema.
At iyan nga ay parang pinatunayan ng isang French market research company na Ipsos kung saan sa isang survey, lumalabas na 66 percent ng mga Pinoy ang naniniwalang “bad year for the country” ang taong 2023.
Base sa survey, nasa 59 percent din ang nagsabing “bad year for them and their families” ang 2023 pero sa kabila nito, 86 percent naman ang kumpiyansang magiging mas mabuting taon ang 2024.
Samantala, 82 percent naman ang sumagot na mas mabilis na tataas ang presyo ng mga bilihin kumpara sa pagtaas ng sahod sa bansa. At hindi nalalayo rito ang 79 percent na Pilipinong sa tingin nila ay tataas pa ang inflation sa susunod na taon.
Hindi rin maganda ang paningin ng mga Pilipino sa employment rate ng bansa sapagkat 72 percent ang nagsabing tataas pa ang bilang ng mga walang trabaho pagdating ng 2024.
Pero sa kabila nito, may mga naniniwala pa rin na ang taong 2023 ay nagsisilbing patunay ng dedikasyon ng mga Pilipino para sa pag-unlad, pagkakaisa, at paglilingkod, gaya na lamang ni House Speaker Martin Romualdez.
“As we stand on the threshold of a new year, I find myself reflecting with a heart filled with gratitude and hope on the transformative journey we, the Filipino people, have embarked upon in 2023. The year has been a milestone, a testament to our shared dedication to progress, unity and service,” saad ni Romualdez.
Binigyang-diin ni Romualdez na ang mga tagumpay na natamo sa nakalipas na taon ay natatangi at ang naging papel ng bawat isa upang mangyari ito ay mahalaga para mapabuti ang kalagayan ng bawat Pilipino.
Nagpasalamat naman si Romualdez sa mga kapwa mambabatas sa kanilang dedikasyon at pangako na makibahagi sa tagumpay ng lehislatura na hindi lamang humubog ng kinakailangang polisiya kundi nagpalakas din ng demokrasya.
“As we look to 2024, let us approach it with a sense of renewed optimism and purpose. The challenges ahead are opportunities for us to innovate, collaborate, and build a nation that echoes the dreams and aspirations of every Filipino. Together, let’s continue to work towards a legislative agenda that responds to the pressing needs of our times,” sabi ni Romualdez.
Kaya kahit anong mangyari, naniniwala pa rin kami na habang may buhay, may pag-asa pa.