Matapos na hindi na palawigin pa ang consolidation para sa modernization program ng mga public utility vehicles, aabot umano sa 200,000 na tsuper at operators sa bansa ang tuluyan nang nawalan ng kabuhayan.
Ayon sa ilang transport groups, ang pangyayaring ito ay maaring magdulot ng transport crisis sa bansa dahil mas mahihirapan na umano ang mga commuter sa kanilang mga masasakyan.
Kung matatandaan, hindi pinakinggan ng gobyerno ang panawagan ng ilang grupo na itigil ang pag-phaseout sa mga tradisyunal na jeepney at huwag silang isailalim sa kooperatiba.
Mga bagay na tinatanggihan ng grupong PISTON at Manibela kaya magpahanggang ngayon ay hindi sila nakikipag-consolidate sa Land Transportation Franchising and Regulatory Board o LTFRB.
Ayon sa PISTON, sila ay magkakasa pa ng mas malawak na kampanya laban sa modernization program.
Samantala, sa kabila ng deadline ng consolidation, patuloy pa ring bumibiyahe ang ilang mga jeepney driver para umano ipaglaban ang kanilang kabuhayan.
Nauna ng sinabi ng LTFRB na tiwala silang hindi magkakaroon ng transport crisis dahil may iba pa naman daw paraan ng transportasyon sa bansa at marami na ring driver at operator ang nakapag-consolidate sa kanila
Hindi pa rin kasi klaro kung aling ruta ang kulang sa consolidated public utility vehicles na isa sa mga kondisyon para payagan pang pumasada ang mga hindi nakasunod sa deadline, ayon sa grupong PISTON.
“Bumiyahe tayo dahil nagbigay naman ng extension na isang buwan ang LTFRB. Kung anuman ang kalituhan, hindi tayo ang may problema,” saad ni PISTON president Mody Floranda.
Matatandaang binigyan ng LTFRB ng palugit na hanggang Disyembre 31 para magpa-consolidate ang kanilang mga operator.
Pero ang nasabing palugit, para sa mga jeepney sa mga piling ruta at dahil hindi pa inilalabas ng ahensiya ang listahan, tila tuloy ang biyahe ng lahat ng unconsolidated nitong Lunes.
Ayon sa LTFRB, inaayos na nila ang mga datos na maglilinaw kung anong ruta ang papayagang pumasada.
“Iyon ang bibilisan ng LTFRB, to release that board resolution para alam na agad nung mga operators kung sino ‘yung affected or kasama sa less than 60 percent na hindi nag-consolidate na pwedeng bumiyahe,” saad ni Andy Ortega ng Office of Transportation Cooperatives.
Nilinaw ni Ortega na walang tsuper na kailangang mawalan ng trabaho at maaari pa ring umanib ang mga jeepney driver sa mga kooperatiba para maipagpatuloy ang pagha-hanapbuhay.
“Regarding ‘yung driver na manggagawa, na kumakayod araw-araw, magiging iba lamang ang kanyang setup. So he or she will still drive,” sabi pa ni Ortega.