Pagkatapos tumawid ni Dawn Macandili-Catindig sa Cignal HD Spikers ay sumunod naman si Ivy Lacsina na nakahanap ng bagong tahanan bago pa man din magsimula ang 2024 season ng Premier Volleyball League sa Pebrero 17.
Lumipat ang 6-foot-1 spiker sa Nxled Chameleons matapos mabuwag ng F2 Logistics Cargo Movers ngayong buwan.
“When we said that we are going to get stronger next season, this is what we meant. Now, let’s get started!” anunsyo ng Chameleons nitong Biyernes sa kanilang Facebook page. May nakalakip naman dito na litrato ng 24 anyos na atleta na nakasuot ng Chameleons jersey.
“THIS IS IT!!!!” komento ni Lacsina na may kasamang apat na berdeng pusong emojis.
Siya ang ikalawang manlalaro na nakahanap ng bagong koponan matapos mabuwag ng Cargo Movers.
Ipinakita ni Lacsina nitong nakaraang season ang pagiging ’all around’ player niya—mula sa pagiging middle blocker ay nagsilbi siyang wing spiker sa ilalim ni F2 coah Regine Diego.
Nagtapos ang Nxled sa ikasiyam na puwesto sa katatapos lang na ikalawang All-Filipino Conference ng PVL na may 4-7 win-loss tally.
Samantala, nagtapos naman ang Cargo Movers sa ikawalong puwesto kung saan nakapag-ambag si Lacsina ng 142 kabuuang puntos: 115 atake, 22 blocks, at limang service ace. Nagtapos din sila sa tally na 4-7.
Makakasama ni Lacsina sa Nxled sila Kamille Cal, Jho Maraguinot, Lycha Ebon at Dani Ravena.