Isang lalaki ang inaresto ng mga otoridad matapos umanong takutin ang kanyang dating live-in partner na ikakalat umano ang mga sensitibong video kung hindi umano nito siya babalikan.
Nahuli sa isang entrapment operation ang suspek sa Barangay Rosario, Pasig City.
Nag-send pa siya ng kopya ng sensitibong video sa kaibigan ng kanyang live-in partner at nanakot pa na ikakalat ito kung hindi siya makikipagkita at makikipagtalik sa araw na iyon.
Dito na nagsumbong ang biktima sa pulisya.
“Dati silang mag-live-in partner… hanggang naghiwalay sila… ang problema, yung lalaki mayroon siyang hawak na sensitive videos at photos,” sabi ni Police Col. Jay Guillermo ng PNP Anti-Cybercrime Group.
“Gusto ng lalaki na magkabalikan silang dalawa pero ayaw na ng babae. So ang lalaki, yun ang ginawa niya… ginamit niyang panakot sa babae para makipagbalikan,” dagdag ni Guillermo.
Nagpaalala si Guillermo sa publiko na iwasang gumawa ng recording na puwedeng gamitin sa masama sa hinaharap para maiwasan na mangyari ang mga ganitong insidente.
Dagdag ng pulis, maaaring gamitin ito laban sa kahit pa asawa o karelasyon.
“May manipulation na mangyayari diyan dahil mayroon silang hawak… Oras na nai-record mo yan sa mga devices, hindi natin alam kung sinong puwedeng makahawak niyan so delikado ‘yan,” sabi ni Guillermo.
Nakasalang na sa inquest ang suspek na nahaharap sa mga reklamong paglabag sa RA 9995 at Anti-Photo and Video Voyeurism, RA 9262 o Violence Against Women and their Children.