Nag-umpisa na namang magpaputok ang mga bata kahit hindi pa oras ng Bagong Taon. Resulta: nasabugan ang ilan ng trayanggulo at umuwing duguan o nabawasan ng daliri.
Naitala na rin ang unang pagkalason sa watusi, isang uri ng paputok na kulay pula at sinlaki lang o maikli pa sa isang stick ng posporo. Tila napabayaan ng mga magulang ang kanilang anak kaya nakain nito ang paputok.
Apat na taong gulang na batang lalaki ang biktima, ayon sa Department of Health na nanawagan sa mga magulang na dalhin ang bata sa ospital upang magamot.
Marami ang nagpapasabog ng paputok alinsunod sa kaugalian o superstisyon na ang malakas na ingay ay nakapagtataboy ng masasamang espiritu o malas. Mayroon nga lang na nagpapaputok ang minamalas na masabugan at masugatan, kaya walang kasiguruhan ang pamahiin na yan.
Kung mayroon mang seswertihin sa paputok, sila ay iyong mga kumikita nang malaki sa pagbebenta ng mga rebintador, sinturon ni Hudas, Five Star, Super Lolo at kwitis. O di kaya naman ay mga botika na nagbebenta ng gamot at panlinis ng sugat ng mga nasabugan.
Kumpara sa mga nakalipas na taon, kakaunti palang ang bilang ng nasugatan dahil sa paputok dalawang araw bago magpalit ng taon. Ayon sa DOH, may 96 na ang nasugatan dahil sa paputok kahapon. Karamihan sa mga biktima ay taga-Metro Manila. Sa nakalipas na selebrasyon, mula Disyembre 21, 2022 hanggang Enero 6, 2023, mahigit 300 ang nasugatan, mas marami nang 62 porsyento kaysa sa sinundang datos, ayon sa DOH.
Inaasahang darami pa ang kaso ng sakuna sa paputok.
Nakatulong ang pagbabawal sa pagtitinda ng mga delikadong paputok upang maibaba ang bilang ng mga sakuna sa paputok. Dahil sa patakaran, kaunti na lamang ang nagtitinda ng paputok at lumipat na ng negosyo o fireworks na lang ang tinitinda.
Nakatulong rin ang kapulisan na sineryoso ang paghuli sa mga nagtitinda ng bawal na paputok.
Ngunit siyempre, pinakamaigi ay mismong mga mamamayan ang tumigil na sa pagpapaputok upang mabawasan o hindi na magkasakuna. Marami namang ibang paraan ng pag-iingay na mas ligtas tulad ng torotot.