Magpapatuloy si Filipino big man Kai Sotto sa pagsubok ng kanyang kapalaran sa Japan B-League, pero ngayon, sa bago niyang tahanan na Yokohama B-Corsairs niya ibubuhos ang kanyang enerhiya.
Batay sa anunsyo ng naturang koponan, pumirma ang 21-anyos na atleta sa Yokohama sa pamamagitan ng loan transfer mula Hiroshima Dragonflies at epektibo ang kanyang paglipat hanggang sa katapusan ng 2023-2024 B. League season.
Sa kasalukuyan, nasa ika-17 puwesto ang iniwan niyang grupo na may 11-13 win-loss record, habang nasa ika-19 puwesto naman ang Yokohama na may 10-14 standing.
Inaasahan ngayon ng B-Corsairs na makatutulong si Sotto para makapasok sila sa playoff at ang magiging kontribusyon niya hindi lang sa depensa at rebound, kundi pati na rin sa opensa.
“In order to reach this goal, we have decided to make changes to our roster. Kai Sotto is a very promising young player (with height) and a shooting touch,” saad ni Yokohama B-Corsairs general manager Ken Takeda sa isang pahayag.
“We have high expectations for him, not only as an inside defense and rebounder but also as a new option on offense. I believe that with the addition of Sotto, the team will gain even more energy and accelerate into the mid-game and second-half games,” dagdag pa niya.
Sinabi naman ni Sotto na excited na siyang maglaro para sa naturang team at hindi na raw siya makapaghintay na manalo sa mas maraming laro.
“I’m very blessed to be given this opportunity and I will make the most out of it. I’m very excited to play for the city of Yokohama. I can’t wait to win more games and get better as a player,” sabi ni Sotto.
Inaasahang ikakasa ang debut ng bagong B-Corsairs player sa Disyembre 30 kung saan kahaharapin nila ang Seahorses Mikawa na may 16-8 tally.
Ayon sa kampo ni Sotto, ang paglipat niya ng koponan ay naantala ng ilang araw dahil kinumpleto pa niya ang mga papeles na kailangan para sa mga migranteng manggagawa sa Japan.
Ilang buwan ding hindi nakalaro si Sotto sa naturang liga matapos magtamo ng herniated lumbar disc na dinanas niya sa isang NBA Summer League stint kasama ang Orlando Magic.
Sa kabila nito, “all healthy and ready to go” na raw si Sotto para maglaro sa bago niyang team.