Hindi nagpapatinag ang Department of Transportation sa mga panawagan ng ilang transport groups at iginiit na hindi na umano palalawigin ang December 31 deadline para sa consolidation ng public utility vehicles sa bansa.
“The PUV consolidation deadline stays,” ayon kay DoTr Secretary Jaime Bautista. “This initiative has gained the support of majority of our PUV operators as around 70 percent of them have already taken part in the consolidation process.”
Ang pahayag ni Bautista ay kasunod nang mga panawagan at petisyon na inihain ng Pagkakaisa ng mga Samahan ng Tsuper at Opereytor Nationwide sa Supreme Court na maglabas ng temporary restraining order para sa December 31 deadline para sa consolidation sa ilalim ng modernization program para sa public transport ng pamahalaan.
Base umano sa mga records ng PISTON, nasa 15 major routes sa Metro Manila ang walang consolidation units sa isang transport service entity o kooperatiba tatlong araw bago ang deadline.
Samantala, nanawagan si Senadora Imee Marcos sa DoTr na bawiin na ang mga “deadly deadline” ng PUV modernization program at ayon sa senadora, dapat na bumalik sa pakikipagdayalogo ang gobyerno sa mga operator, drayber at mga apektadong komyuter.
Dagdag pa niya, dapat na rin umanong tigilan ng Land Transportation Office at DoTr ang umano’y pananakot, suspensiyon at pagbawi ng prangkisa ng mga tsuper.
Ayon kay Marcos, nararapat na pakinggan ang mga hinaing ng mga PUV operators at mga apektadong sektor lalong lalo na ang libo-libong komyuter sa bansa.
Giit pa ng senadora, wala namang ibinibigay na sapat na subsidy ang gobyerno para sa mga operators kung hindi ang P210,000 hanggang P280,000 na ilang porsyento lamang ng P2.5 milyon na halaga ng bagong Euro-4 PUV.
Maging sa suplay, parts at serbisyo ay hindi pa handa ang mga dealer.
Aminado rin aniya ang TESDA na hindi pa nila kayang i-repair ang bagon Euro-4 PUV dahil Euro-2 pa lamang ang kanilang pinaghahandaan.
Kaya pakiusap ni Marcos sa gobyerno na magpulong muna at konsultahin ang mga operators, tsuper at mga komyuters hinggil sa PUV modernization program.