Taon-taon na lang, tuwing magkakagabi ng parangal ang taunang Metro Manila Film Festival, palagiang siksik, liglib at umaapaw ang mga kontrobersiyang kasunod matapos itanghal ang mga nanalo.
Siyempre ngayong taon, sentro ng kontrobersya ang Star For All Seasons, Vilma Santos at ang pelikula niyang “When I Met You In Tokyo”.
Hindi kasalanan ni Santos na siya ang pumasa sa pihikang panlasa ng mga hurado, na pinamumunuan ni direktor Chito Rono, na siya ang karapat-dapat hiranging bilang pinakamahusay na aktres. Kaya lang, sa mga nagmamasid sa galawang MMFF, dahil sa panalong ito ni Vilma, gusto nilang ipagsigawan na “Sabi ko na sa inyo eh!” na kaya ligwak ang “Pieta” ni Nora Aunor at “In His Mother’s Eyes” ni Maricel Soriano eh para masigurado na siya ang mag-vi-viktoria sa nasabing kategorya.
Ang nagpapalala pa sa obserbasyong ito, ang kataujan ni Alessandra de Rossi, si Elay, na nanay sa “Firefly” ay imposibleng pang best-supporting actress kategorya. Pangunahing aktres si Alessandra. Ang katuwang na aktes sa pelikula niya ay sina Cherry Pie Picache.
At kung pag-uusapan naman ang kategoryang best supporting actress, ang kontronbersya rito, maliban kay De Rossi, ang mga nominado ay sina Agot Isidro para sa “Becky & Badette”, Gloria Diaz at Janella Salvador para sa “Mallari”. Ang nakakapagtaka at marami ang nahibang, wala sa nominasyon si Miles Ocampo pero siya ang tinanghal na winner.
Sa buong kasaysayan ng MMFF, mapa-walo o sampung pelikula ang naglalaban-laban, palaging tatlo lamang ang hinihirang na una, ikalawa at ikatlong pinaka-mahusay na pelikula,
Katanggap-tanggap at karapat-dapat na ang first, second at third best pictures ay ang “Firefly”, “GomBurZa” at “Mallari”. Ngayong taon, binali nila ang kanilang sariling panuntunan at may bagong pauso, ang ika-apat na pinaka-mahusay na pelikula, kung saan ang pinanalo ay ang “When I Met You In Tokyo.” Ang nagususumigaw na tanong tungkol rito ay “Bakit?”
Bigla tuloy mas naging may dignidad pa ang mga MMFF hurado nung panahon ni Ms. Tingting Cojuangco, nangyari ito noong 1986 kung saan walang hinirang na first at second best picture kasi nga para sa mga hurado, walang karapat-dapat. 3rd best picture lang ang kanilang ibinigay, para sa “Halimaw Sa Banga.”
Para sa mga cinema owner, “Rewind” at “Penduko” ang may pinaka-maraming sinehan na inyong ibinigay, ngayong kahit isang karangalan ay wala itong inuwi, babawasan niyo ba ang kanilang mga sinehan at ibibigay niyo sa kinawawa niyong “Firefly” at “GomBurza” na kakaunti lamang ang mga sinehang pwede itong panoorin?
Malaking push ang mga award para mas lalong maging mausisa at mahikayat ang mga manood na tumungo sa mga sinehan para panoorin ang mga pelijkulang kasali sa MMFF.
Panalo ang turn out ng audiences na dumagsa talaga sa malls para suportahan ang kanilang mga pelikulang gusto. Naway pagkatapos ng taunang festival, mainit pa rin ang suporta at pagyakap ng mga Pinoy sa pelikulang Pilipino.
Pelikulang may kalidad, mga artistang mahuhusay, bagong mga kwento na ang paglalahad sa telon ay matino, pinag-isipan at hindi basta-basta, matingkad na aspektong teknkal, ganito na ang klase ng mga pelikulang gusto ng mga manonood na Pilipino. At ang mga patotoo nito ay ang tatlong best pictures, at ang dalawang pelikulang katatawanan na may puso at talino.