Isang babae ang nanganak ng quadruplets o apat na sanggol sa isang ospital sa katimugang Gaza.
Isinilang ni Iman al-Masry, 28 anyos, sina Tia at Lynn na parehong babae, at sina Yasser at Mohammed na parehong lalaki noong Disymebre 18 sa pamamagitan ng C-section sa isang ospital sa kampo ng mga nagsilikas sa Nuseirat.
Kinailangang umalis agad ng ospital ang mag-iina upang maasikaso ang ibang pasyente, maliban kay Mohammed na mahina ang kalusugan at kailangang maiwan roon para makapagpalakas muna.
Isang kilo lamang ang timbang ni Mohammed at maaaring ikamatay ng sanggol kung aalisin agad sa ospital, ayon sa ulat ng Agence France-Presse.
Anim na buwang buntis si Al-Masry nang lisanin nila ang bahay sa Beit Hanun sa hilagang Gaza na nilusob at binomba ng puwers ng Israel sa digmaan nito laban sa mga teroristang Hamas.
Kasalukuyang tumutuloy sa siksikang silid-aralan sa Deir al-Balah Al-Masry kasama ang anim niyang anak at 50 iba pang miyembro ng kanilang pamilya.
Mahirap ang kanilang kalagayan dahil sa kakulangan ng mga damit at pagkain lalo na para sa mga bagong silang na sanggol. Hindi rin sila makaligo dahil sa kawalan ng malinis na tubig sa kanilang lugar.
Kaunting damit lang ang kanyang dinala dahil sa pag-aakalang maikli lang ang itatagal ng labanan sa pagitan ng mga Israeli at Hamas na nagsimula noong Oktubre 8.
Nagpahayag rin ng pangamba ang mister ni Al-Masry dahil hindi niya alam kung paano makakakuha ng ipakakain sa kanyang pamilya, pati na diaper, gatas at gamot.
Sinabi ng 33 anyos na asawa ni Al-Masry na natatakot siya para sa kanyang mga anak dahil hindi niya alam kung paano sila mapoprotektahan sa digmaan sa Gaza.
Batay sa tantsa ng United Nations, 1.9 milyong Palestino ang nawalan ng tirahan dahil sa digmaan.