Ipinasara ang isang tindahan ng karne sa talipapa malapit sa Estero de Paco sa Maynila matapos mag-viral ang isang video kung saan makikitang tila nagpipiyesta ang mga daga sa mga karne ng baboy sa nasabing talipapa.
Ipinasara ang naturang puwesto sa kanto ng Trese de Agosto na hanggang ngayon ay hindi pa rin natatanggal ang mga daga.
Ayon sa barangay, hindi na nagbebenta sa tindahan ng karne ang may-ari matapos mag-viral ang video ng kaniyang puwesto at ayon naman sa isang kagawad, nangungungupahan lamang ang may-ari at hindi nakatira sa lugar.
“Kasi natanong ko siya bakit nag ganu’n. Sabi niya ‘Eh kasi ‘yung mga tauhan ko.’ Nagalit siya sa mga tauhan niya ba’t walang mga bantay. Di man lang nagtawag,” sabi ni Morena Moreno, na nakausap umano ang may-ari.
Ipinasara ng Manila Veterinary Inspection Board ang naturang puwesto, ipinalinis, pinatakpan ang drainage sa kanal at pinangaralan ang may-ari tungkol sa food safety at ibinaon na sa lupa ang mga kontaminadong karne ng baboy.
“Kapag nagkaroon po sila ng violation ulit talagang ipapasara na ‘yung talipapa na ‘yan… Meron po kasi kaming ordinansa dito na within 200-meter radius sa palengke is bawal magtinda ng karne na sariwa. Ang makakapagtinda lang po ay yung mga frozen lang po,” saad ni Dr. Nick Santos ng Manila Veterinary Inspection Board.
Katabi lang ng talipapa ang Estero de Paco, kaya hinihimok ng city hall ang mga nagtitinda rito na pumasok sa palengke para makaiwas sa mga peste tulad ng daga.